Pusong iniingatan, nasaan ka na?
Bakit nawala ka sa dati mong kinalalagyan
Bakit nga ba tumatalon ka na lamang nang biglaan?
Nandito lang ako, sabi ng puso ko
Nakatingin, nakatitig, nag-aabang
Nararamdaman ko ang nais mong ipaalam
Pero may pagkakataong ang paghihintay
ang isang bagay na dapat ipaglaban.
Maghintay ka!, sabi ng isip ko
Alam mo namang sa pagmamadali, walang
magandang kahihinatnan
Lahat ng bagay, may tamang panahon
Sa bawat panahon, may nararapat kang matutunan at ipangalandakan.
Puso:
Ngunit bakit ganito, hindi ko maipaliwanag aking nadarama
Sa isang banda, nais ko sya’y laging makasama
Sa bawat sandali na nais ko syang makita
Tanging ninanais ay lubos ko syang makilala.
Isip:
Minsan, puso, ika’y mapanlinlang
Minsan mo na akong dinaya sa iyong mga nararamdaman
Ngayong may pagkakataong ihayag ko ang aking mga ideya
Di ko na hahayaang masaktan pa sya
Sapagkat, ikaw puso, at sya na ating pagkatao,
ay nais kong maging masaya.
Puso:
Isang beses lamang ako nagkamali, isip
Sa dinami dami ng ating pinagdaanan
Hindi mo ba hahayaang ang ating mahal na pagkatao ay tuluyang maging maligaya?
Isip:
Sa isang pagkakamali mo, puso
Natutunan kong maging malakas
Natutunan kong unahin muna ang sarili ko
Sa bawat pagkakamali na nagawa mo
Hindi lang ikaw ang nasasaktan, pati ako
Sa bawat pagkakamali mo, lagi mong tatandaan
Ang aking mga natutunan ang syang magbibigay
direksyon sa iyong tatahaking daanan
Puso:
Tama ka, isip, hahayaan kitang mag-isip
Pero hindi mo mapipigilan, aking nadarama kahit isang saglit
Pag-ibig na syang kakaiba
Alam mo namang hinahanap-hanap ko na.
Isip:
Mas makabubuting hindi tayo magtalo
Bagkus, hayaan natin sya sa kanyang mga plano
Kung may balanse sa iyong damdamin at sa aking ideya
Sigurado, pag-ibig na wagas at tunay, kanya nang madarama.
Pagkatao:
O puso at isip, hindi ko alam sino ang susundin sa inyo
Isa lamang ang alam ko, naguguluhan ako
Sino ba dapat ang pakinggan, si isip o si puso
Para maramdamang tunay
ang pagmamahal na kay tagal nang hinintay?
Tama! Isa lamang ang alam ko na dapat gawin
Sa Maykapal, siguradong ako’y diringgin
Hahayaan ang puso maramdaman ang sarap ng pag-ibig
Hahayaan ang isip magsabi ng dapat gawin
Ngunit sa lahat ng ito, hahayaang ang Maykapal ang magdikta ng aking damdamin.
Ngayon alam ko na
Hindi na ako magugulumihanan pa
Puso man o isip ang syang paiiralin
Kung ang Maykapal ang may huling salita
Sa aking mahal, ako’y lubusang mamahalin.